Ang Panimula

Sabi ng mga kaibigan ko noon, putok daw ako sa buho. Katatawanan man sa aming magkakaibigan ang pabirong panghahamak sa aking pagkatao, alam ko na parte ng birong iyon ay isang katotohanan.

Hindi naman talaga ako putok sa buho. Mayroon naman akong mga magulang na nagluwal sa akin sa mundong ito. Yun nga lang, hindi sila kasal. Anak ako sa labas. Iyon ang tamang terminolohiya. Mayroong kanya-kanyang pamilya sa probinsiya ang aking ama't ina.

Ayon sa pinagtagni-tagning sitwasyon at kaalaman galing sa iba't ibang kamag-anak at kaibigan, aking napag-alaman ang pinagumpisahan ng aking buhay. Ang aking amang si Celo ay may legal sa asawa sa Quezon Province. Inez nga yata ang pangalan. Mayroon silang apat na anak: Kuya Obet, Ate Meanne, Ate Madez at si Marissa. Ang aking ina naman na si Glo ay mayroon ding asawa at isang anak na lalaki: si Kuya Jing-Jing. Hindi ko na matandaan ang pangalan ng asawa ni Mommy, pero ang pagkaka-alam ko, first love daw siya ni Mommy.

Kung tama ang aking mga nakalap na balita, nagkita raw ang aking mga magulang sa Maynila. Doon ay nabuo ang kanilang pagsasama at ang kanilang unica hija- ako. Hindi ko na inalam kung paano talagang nangyari ang pag-iwan nila sa kani-kanilang pamilya. Basta't ang alam ko lang ay ipinanganak raw ako sa Novaliches habang binibisita ng aking mga magulang ang aking lola. Pagkaraan ng ilang araw ay iniuwi na nila ako sa aming tahanan - Tondo.

No comments: